Friday, March 16, 2012

kailan ka susuko?


May ilang beses ko na ring nadaanan ang kwarto ni ate ligaya para kamustahin ang kanyang pakiramdam.

Sa mga unang beses kong bumisita sa kanya, ang alam ko lang ay na-admit si ate ligaya dahil di na sya makalakad. Sa edad na 47, nalaman na mayroon syang cancer sa bituka o colon cancer. Kung maaga sanang nalaman ito, maaari pang alisin ang bukol nya sa bituka. Kaso, ang dahilan kung bakit d na sya makalakad ay kumalat na ang cancer sa buto nya sa tadyang. At di lang sa buto kumalat, pati ang baga nya, mayroong cancer na rin. Stage 4 na ang cancer ni ate ligaya. Ganun kasimple ang alam ko sa kanya.



Sa pagdaan ko sa kanya araw-araw, parati ko syang nakikitang nakahiga, nakakabit ang daluyan ng oxygen sa ilong nya, at madalas nakapikit. Tuwing tatanungin ko sya kung masakit ang tiyan nya, ang sagot nya ay isang ngiti at "hindi". May dugo ba ang dumi- "wala" tapos ngiti. Hirap ba huminga- "hindi. Pero madaling mahapo kaya gusto ng oxygen." tapos ngingiti. Araw-araw, di nagbago ang sagot nya sa akin. Pero kapag babasahin ko ang mga isinulat ng ibang doctor sa kanya, kailangan pala nya salinan ng dugo, kailangan pala nya mag radiotherapy para maibsan ang sakit sa mga buto nya, kailangan pala nya mag-antibiotics dahil nahawa na sya sa ospital ng pulmunya. Di ko tuloy alam kung niloloko lang ba ako o ayaw lang ako kausapin ni ate ligaya.



Sa isang beses ko pumunta uli sa kwarto nya, may mga napansin ako sa pader sa tabi ng kama nya. Napansin ko na iyon minsan. Pero di ko talaga tinitigan at inalam. Iba't ibang litrato pala ito- litrato nya na naka-porma, nakaayos, litrato kasama anak nya, litrato kasama mga kaibigan nya, litrato nyang kumakanta sa harap ng isang banda, litrayo ng aso nya, litrato ng bahay nya. Iba-ibang panahon sa buhay nya na pawang nakangiti lang sya. Di ko napigilang itanong sa kasama nya sa kwarto, "ano po ang trabaho nya?" "dati po syang singer sa banda sa US" ang magalang na sagot sa akin. Napatingin ako kay ate ligaya na kasalukuyang natutulog. Ang laki ng pinagbago ng mukha nya- malaki ang pinayat nya na halos ang pisngi nya ay lumubog na, wala na ang sigla. Pero nung inalala ko ang ngiti nya, pareho pa rin tulad ng dati. Isang buong ngiti, medyo mahina, pero totoo.



Siguro napansin ni ate ligaya na medyo nagtagal na ako sa kuwarto nya at napamulat sya. "singer po pala kayo!". Ngumiti lang siya. Walang sinabi. Noon ko din lang napansin na sa tuwing makakausap ko sya, ang boses nya ay paos. Di ko na madugtungan ang sinabi ko dahil di ko alam kung anong mararamdaman. Isipin mo na sa loob ng ilang buwan, ang lahat ng kasiyahang nakapaskil sa pader nya ay nagbago na.


Sa bandang kanan ng mga litrato, may mahabang sulating nakapaskil: Desiderata. nabasa ko ang ilan sa mga unang nakasulat:
Go placidly amid the noise and the haste,
and remember what peace there may be in silence. 
Di ko na natuloy dahil sa 15 araw ko na pumupunta sa kanya, noon ko lang napansing namuo ang luha sa gilid ng aking mga mata.

"sige po ate. Pagaling po kayo. Dapat bumalik ang boses nyo at kakanta kayo uli." Ito ang huli kong nasabi sa kanya. Di ko alam kung may katotohanan ang sinabi kong ito o kung nabigyan ko ba sya ng pag-asa na hindi dapat, pero wala akong ibang masabi kundi ito. At tulad lang ng ibang araw, ngumiti lang uli si ate ligaya. Lumabas na ako ng kwarto nya at nagpunas ng luha.

Hanggang kelan ka lalaban sa isang sakit na alam mong isa din lang ang patutunguhan sa di nalalayong panahon? Hangang may pera ka pang pangastos o hanggang may mauutangan? Hangang may gamot na maiibigay sa yo kahit di ito lunas? Hanggang may pangarap ka at naniniwalang may milagro? Ano ang magsasabi sa yo ng "tama na, tapos na?"

Kala ko noon, alam ko ang isasagot ko sa tanong na yan. Madaling ipaliwanag sa ibang tao na "hanggang dito na lang ang magagawa." Minsan madali pa na alisan sila ng pag-asa kaysa sa umasa sila sa wala.

Hinanap ko ang kumpleting kopya ng Desiderata. Ang huling mga linya nya:
Therefore be at peace with God,
whatever you conceive Him to be.
And whatever your labors and aspirations,
in the noisy confusion of life,
keep peace in your soul.
With all its sham, drudgery, and broken dreams,
it is still a beautiful world.

Be cheerful. Strive to be happy.
Ngayon, di ko na alam ang sagot.


March 15, 2012


Colon cancer is one of the most common malignancies, ranking third for both males and females. Obesity, cigarette smoking and some medications are considered as risk factors. Heredity also plays a role in this disease. Patients can experience weight loss, nausea, weakness, or may see blood in their stools. But there are times that one may not experience anything at all. High risk patients are advised to undergo screening colonoscopy at age 45, while the general population at age 50.

No comments:

Post a Comment